Mula sa anak ng isang magsasaka at karpintero hanggang sa pagiging kauna-unahang Summa Cum Laude ng Bachelor of Science in Mathematics ng Quirino State University, nagsilbing inspirasyon ang kwento ng tagumpay ni Mary Jane Cairel na iniaalay niya sa kanyang mga magulang at sa lahat ng nagsakripisyo para sa kanyang pag-aaral.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mary Jane Cairel, residente ng Burgos, Cabarroguis, Quirino, ibinahagi nitong halo-halo ang kanyang naramdaman matapos magtapos bilang kauna-unahang Summa Cum Laude sa kursong Bachelor of Science in Mathematics sa Quirino State University, matapos makapagtala ng General Weighted Average (GWA) na 1.24.
Ayon kay Cairel, bukod sa kasiyahan ay naramdaman din niya ang pressure dahil sa panibagong yugto ng kanyang buhay matapos ang kolehiyo. Gayunman, sinabi niyang handa niyang sunggaban ang anumang oportunidad na darating upang makabawi sa kanyang mga magulang na kapwa tumatanda na.
Ibinahagi rin niya na mula pa lamang sa kanyang unang taon sa kolehiyo ay itinakda na niya sa kanyang isipan ang layuning makapagtapos bilang Summa Cum Laude kaya’t ibinuhos niya ang kanyang oras at pagsisikap sa pag-aaral.
Bukod sa pagiging honor student, naging aktibo rin siya bilang student leader at miyembro ng iba’t ibang organisasyon sa unibersidad. Aniya, malaki ang naging ambag ng mga ito sa paghubog ng kanyang pagkatao, sa pagkakaroon ng mga kaibigan, at upang mas lubos niyang ma-enjoy ang kanyang buhay kolehiyo at hindi lamang nakatuon sa akademiko.
Hindi naman naging madali ang kanyang paglalakbay dahil kinailangan niyang balansehin ang pagiging student leader, honor student, miyembro ng music ministry sa kanilang simbahan, at ang pagtulong sa kanyang pamilya, lalo na’t madalas magkasakit ang kanyang ama.
Ayon kay Cairel, ang pinakamalaking inspirasyon niya ay ang kanyang mga magulang. Ang kanyang ina ay isang magsasaka habang ang kanyang ama naman ay isang karpintero. Dahil nasaksihan niya ang kanilang walang sawang pagsisikap mula pa noong siya ay bata, sinabi niyang hindi niya naisip na sumuko dahil kung hindi aniya sumusuko ang kanyang mga magulang, wala rin siyang karapatang sumuko.
Inamin din niyang napaiyak siya nang ipaalam ng isa sa kanyang mga instructor na siya ang magiging Summa Cum Laude ng kanilang batch.
Hindi rin umano niya agad sinabi sa kanyang mga magulang ang kanyang natamong karangalan. Sa mismong araw ng graduation na lamang nila nalaman ang kanyang tagumpay nang siya ang maghatid ng valedictory address.
Aniya, habang siya ay nagsasalita sa entablado ay nakita niyang umiiyak ang kanyang ama—ang kauna-unahang pagkakataong nasaksihan niya itong lumuha sa buong buhay niya.
Bilang pagkilala sa kanyang natatanging akademikong tagumpay, tumanggap si Cairel ng ₱50,000 cash incentive mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Quirino.
Nagbigay rin siya ng mensahe sa mga kabataan na huwag gawing sukatan ng sariling halaga ang pagkakaroon ng Latin honors o matataas na marka.
Ayon sa kanya, higit na mahalaga ang disiplina, pagpupursige, at mabuting pag-uugali dahil ito ang magsisilbing gabay sa pag-abot ng kanilang mga pangarap.
Nagpaabot din siya ng pasasalamat sa kanyang mga magulang, mga guro, kaibigan, kapwa student leaders, at sa lahat ng mga taong tumulong at naniwala sa kanyang kakayahan hanggang sa makamit niya ang pinakamataas na akademikong parangal.








