--Ads--

Mariing itinanggi ni dating Pangulong at Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo ang alegasyong may kinalaman siya sa umano’y planong paghahain ng impeachment complaint laban kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla.

Nag-ugat ang isyu matapos maglabas ng post sa Facebook ang blogger na si Mary Car Pasang Serrano noong Lunes na nagsasabing sangkot umano si Arroyo sa isang plano upang mapatalsik sa puwesto si Remulla sa pamamagitan ng impeachment.

Ayon kay Atty. Joseph Frianeza, legal counsel ni Arroyo, walang kaalaman o anumang partisipasyon ang dating pangulo sa naturang reklamong impeachment. Aniya, malinaw na itinatanggi ni Arroyo ang paratang at wala itong katotohanan.

Iginiit din ni Frianeza na naglalaman umano ang social media page ng blogger ng mga mapanirang nilalaman at mga gawa-gawang impormasyon.

--Ads--

Si Remulla ay naging bahagi ng mga kontrobersyal na kaso na nauwi sa pagkakaaresto nina Senador Rodante Marcoleta at dating pulitiko na si Mike Defensor, na kapwa itinuturing na kaalyado ni Arroyo at ng kampo ni Vice President Sara Duterte.

Matatandaang noong Abril ay nadawit din si Arroyo sa mga usap-usapang may kinalaman umano siya sa isang tangkang kudeta laban kay House Speaker Faustino “Bojie” Dy III, bagay na mahigpit din niyang pinabulaanan.

Lumabas ang panibagong alegasyon habang nagpapatuloy ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa Senado.