Inendorso ng Senate Finance subcommittee sa plenaryo ang panukalang ₱28.04 bilyong budget ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at mga attached agency nito para sa 2027, kasabay ng panawagang paglaanan ng sapat na pondo ang paghahanda at pagtugon sa posibleng epekto ng super El Niño.
Sa budget hearing na pinangunahan ni Senador Risa Hontiveros nitong Lunes, iginiit niyang dapat palakasin ng DENR ang mga hakbang upang maibsan ang epekto ng inaasahang matinding tagtuyot sa kabuhayan, kalusugan at pang-araw-araw na pamumuhay ng mga Pilipino.
Ayon kay Hontiveros, hindi dapat ang publiko lamang ang inaasahang mag-adjust sa banta ng tagtuyot, kaya mahalagang tumugon nang maagap ang pamahalaan at tiyaking sapat ang pondo ng mga ahensiyang nangunguna sa paghahanda at emergency response.
Sa presentasyon ni DENR Secretary Juan Miguel Cuna, ₱20.62 bilyon sa kabuuang panukalang budget ang ilalaan sa central office, mga kawanihan, regional offices at iba pang tanggapan ng departamento.
Samantala, nakalaan ang ₱3.10 bilyon para sa Environmental Management Bureau, ₱1.98 bilyon sa National Mapping and Resource Information Authority, ₱1.89 bilyon sa Mines and Geosciences Bureau, ₱284.35 milyon sa National Water Resources Board at ₱149.3 milyon sa Palawan Council for Sustainable Development Staff.
Hinimok din ni Hontiveros ang DENR na pondohan ang mga small water impoundment system na maaaring mag-ipon at mag-imbak ng tubig-ulan para magamit sa panahon ng tagtuyot. Iminungkahi rin niyang gamitin ang mga teknolohiyang makatutulong sa pagtukoy ng alternatibong mapagkukunan ng malinis na inuming tubig.
Samantala, nanawagan si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano na palakasin ang edukasyong pangkalikasan sa elementarya at high school sa pamamagitan ng pakikipagtulungan ng DENR sa Department of Education at Commission on Higher Education.
Hinimok din ni Senador Pia Cayetano ang DENR na tiyaking tumutugon sa pangangailangan ng mga komunidad sa baybayin at kabundukan ang mga programa sa edukasyong pangkalikasan.











