--Ads--

Nasamsam ng mga awtoridad ang nasa ₱361,000 halaga ng hinihinalang smuggled cigarettes mula sa isang sasakyan na kanilang pinara sa checkpoint sa Barangay Nakar, San Guillermo, Isabela, dakong alas-5:15 ng hapon nitong Lunes, Oktubre 19.

Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo News Team sa San Guillermo Police Station, napag-alamang pinara ang isang puting Toyota pickup dahil sa madidilim na tint ng mga bintana nito. Nang inspeksyunin ang sasakyan, nakita ng mga pulis ang mga kahon ng sigarilyo na walang nakakabit na BIR tax stamp.

Nakumpiska rito ang 250 ream ng Nise cigarettes, 680 ream ng Bon International cigarettes, at 120 ream ng Cannon Menthol cigarettes na may kabuuang tinatayang halaga na ₱361,000.

Ayon sa pulisya, hindi nakapagpakita ng mga legal na dokumento ang mga sakay ng sasakyan para sa mga naturang produkto.

--Ads--

Kinilala ang mga ito na isang 62-anyos, driver at residente ng Santiago City, Isabela, at isang 31-anyos, pasahero at residente ng Cabanatuan City, Nueva Ecija.

Dinala ang mga nakumpiskang sigarilyo sa San Guillermo Police Station para sa dokumentasyon at nakatakdang i-refer sa Bureau of Internal Revenue (BIR) sa Tuguegarao City, Cagayan, upang beripikahin ang pagiging lehitimo at pagiging tunay ng mga produkto.