Mahigit 500 pasahero, truck driver, at helper ang kasalukuyang stranded sa iba’t ibang pantalan sa bansa dahil sa epekto ng Bagyong Inday, ayon sa Philippine Coast Guard (PCG).
Batay sa pinakahuling monitoring ng PCG, umabot na sa 543 indibidwal ang hindi makabiyahe sa mga pantalan sa Southern Tagalog, Northwestern Luzon, at Southern Visayas.
Pinakamarami ang naitalang stranded sa 19 na pantalan sa Southern Tagalog, kung saan patuloy na nagbibigay ng assistance at suporta ang mga tauhan ng Coast Guard.
Sa kabuuan, 26 na pantalan ang naapektuhan ng masamang panahon habang nasa 147 rolling cargoes ang hindi pa rin makatawid dahil sa ipinatutupad na mga restriksyon sa paglalayag.
Samantala, 112 sasakyang-pandagat at 34 na motorbanca ang pansamantalang sumilong sa mga ligtas na pantalan bilang pag-iingat sa posibleng panganib na dulot ng bagyo.










