--Ads--

Umakyat na sa 18 ang bilang ng mga nasawi habang 12 katao naman ang nawawala dahil sa pinagsamang epekto ng pinalakas na habagat at Bagyong Inday, ayon sa Office of Civil Defense (OCD).

Batay sa tala ng OCD, sampu sa mga nasawi ay mula sa Malapatan, Sarangani, anim sa Calanogas, Lanao del Sur at dalawa sa Bukidnon. Karamihan sa mga biktima ay nalunod o nasawi dahil sa pagguho ng lupa.

Samantala, pito sa mga nawawala ay mula sa Jose Abad Santos, Davao Occidental habang lima naman ang naiulat sa Calanogas, Lanao del Sur.

Ayon sa OCD, umabot na sa 123,000 pamilya o mahigit 562,000 indibidwal sa buong bansa ang naapektuhan ng masamang panahon.

--Ads--

Inaasahan ang maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkulog sa Metro Manila, Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Western Visayas, Zambales, Bataan, Tarlac, Pampanga, Bulacan, Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Occidental Mindoro, Oriental Mindoro, Romblon at Palawan.

Nakataas din ang Yellow Rainfall Alert sa Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union at Pangasinan dahil sa posibleng katamtaman hanggang malakas na pag-ulan.

Samantala, iniulat ng Philippine Coast Guard na nasa 845 pasahero, truck drivers at cargo helpers ang na-stranded sa iba’t ibang pantalan sa bansa dahil sa malalakas na hangin at pag-ulan.

Naantala rin ang biyahe ng 169 rolling cargoes, limang barko at apat na motorized boats, habang 140 sasakyang-pandagat at 115 motorized boats ang pansamantalang sumilong para sa kaligtasan.

Kaugnay nito, inatasan ni Philippine National Police chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr. ang lahat ng police units na tumulong sa mga lokal na pamahalaan sa mga post-disaster recovery efforts.

Ayon kay Nartatez, nananatiling nasa heightened alert status ang mga puwersa ng pulisya sa buong bansa at nakatuon ngayon sa search and rescue operations, humanitarian assistance, at clearing operations upang matiyak ang maayos na paghahatid ng ayuda sa mga apektadong lugar.

Samantala, nagsagawa rin ng pagmamapa ang Philippine Space Agency sa mga malawakang binahang sakahan sa Mindanao gamit ang satellite imagery.

Kabilang sa mga lugar na matinding naapektuhan ang Maguindanao del Norte, Maguindanao del Sur, Cotabato at Lanao del Sur.