--Ads--

Pormal nang nagsampa ng kasong cyber libel ang Office of the City Prosecutor ng Maynila laban kay dating Cavite 4th District Representative Kiko Barzaga.

Kaugnay ito ng isang Facebook post na pinost umano ni Barzaga noong Enero na nag-uugnay sa ilang miyembro ng National Unity Party (NUP) sa umano’y pagtanggap ng suhol.

Partikular umanong binanggit sa naturang post si Manila 2nd District Representative Rolando Valeriano.

Ayon sa prosekusyon, kumalat masyado ang nasabing pahayag dahil may tinatayang mayroong 1.9 million followers ang Facebook page ni Barzaga, dahilan upang maibahagi rin ito ng ilang online news platforms.

--Ads--

Nahaharap si Barzaga sa kasong paglabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012, kaugnay ng Articles 353 at 355 ng Revised Penal Code.

Inirekomenda naman ng Office of the City Prosecutor ang piyansang P10,000 para sa pansamantalang paglaya ng dating mambabatas habang dinidinig ang kanyang kaso.

Si Barzaga ay dating kinatawan ng ikaapat na distrito ng Cavite bago siya matanggal sa puwesto.

Samantala, wala pang inilalabas na pahayag ang kaniyang kampo kaugnay ng isinampang kaso.

Matatandaang noong Abril, una nang naharap sa kasong cyber libel si Barzaga matapos siyang kasuhan ng negosyanteng si Enrique Razon.