--Ads--

Boluntaryong sumuko sa Bayombong Police Station si Florentino Daynos, Environmental Group Leader, kaugnay ng limang counts ng cyber libel na isinampa laban sa kanya ng North Luzon Mining Resources Corporation (NLMRC).

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Daynos, sinabi niyang nakatanggap na sila ng impormasyon tungkol sa warrant of arrest na inilabas laban sa kanya matapos umano itong dumating kahapon.

Ayon kay Daynos, limang cyber libel cases ang nagpapatuloy laban sa kanya matapos ma-dismiss ang apat na naunang kaso. Dahil dito, sinabi niyang nananatili silang kumpiyansa na maaari ring ma-dismiss ang mga kasong kasalukuyang kinakaharap niya.

May kabuuang P240,000 na piyansa para sa limang kaso, na aniya ay kanilang naihanda sa tulong ng iba’t ibang supporters at partner groups na nagpaabot ng pinansyal na suporta.

--Ads--

Samantala, sinabi ni Daynos na nagpapatuloy ang mga aktibidad ng kanilang grupo, kabilang ang meeting at paghahanda para sa isang dialogue kasama ang iba’t ibang grupo.

Sa kabila ng kinakaharap na mga kaso, iginiit ni Daynos na hindi magbabago ang kanilang paninindigan laban sa pagmimina at sa pagtatanggol sa kalikasan.

Binigyang-diin niyang patuloy nilang ipaglalaban ang kanilang adbokasiya para sa kalikasan, kabuhayan at kinabukasan ng kanilang mga anak at mga susunod na henerasyon.

Dagdag pa niya, hindi umano sila dapat matakot sa mga kasong isinampa laban sa kanila dahil naniniwala siyang habang dumarami ang mga nahaharap sa kaso, mas dumarami rin ang mga taong nakikiisa sa kanilang adbokasiya.