--Ads--

Iginiit ng isang dating kongresista na dapat mapabilis ang takbo ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte upang maiwasan ang umano’y pag-aaksaya ng oras at pagkakataong maiharap ang iba pang mahahalagang testigo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Former Representative France Castro ng ACT Teachers Party-list, sinabi nitong bagama’t positibo na sa wakas ay nagsimula na ang impeachment trial matapos ang matagal na paghihintay, kapansin-pansin umanong maraming oras ang nasayang dahil sa sunod-sunod na teknikal na pagtutol ng kampo ng depensa.

Ayon kay Castro, sa halip na agad na matalakay ang mahahalagang isyu, naging sentro ng pagdinig ang mga technicalities, kabilang ang pagkuwestiyon sa testigo at sa video evidence, na aniya ay matagal nang napanood at kilala ng publiko bilang naglalaman ng mga pahayag ni Vice President Sara Duterte.

Aniya, naging maayos naman ang presentasyon ng prosecution at sa huli ay tinanggap din ng impeachment court ang video bilang bahagi ng ebidensya matapos itong ma-authenticate. Gayunman, sinabi niyang umabot sa halos siyam na oras ang testimonya ng unang testigo kaya umaasa siyang magiging mas maikli at mas nakatuon sa mahahalagang isyu ang susunod na mga pagdinig upang mabigyan ng pagkakataong makapagprisinta pa ng iba pang mga testigo.

--Ads--

Pagdating naman sa pamumuno ni Senate President Francis “Chiz” Escudero bilang presiding officer, sinabi ni Castro na kapansin-pansing naging maingat ito upang hindi mapagkamalang kumakampi sa alinmang panig. Gayunman, iginiit niyang dapat na itong maging mas mahigpit sa pamamahala ng oras at limitahan ang mga hindi mahahalagang manifestations at objections upang maging mas malinaw at mas madaling maunawaan ng publiko ang daloy ng impeachment proceedings.

Hinimok din ni Castro ang mga senator-judges na balikan ang kanilang tungkulin bilang mga hukom sa impeachment court at iwasang magtanong ng mga katanungang maaaring makaapekto sa magiging konklusyon ng kaso.

Aniya, mas mainam na ituon nila ang kanilang mga pagtatanong sa paglilinaw ng mga isyung may direktang kaugnayan sa reklamong kinakaharap ng Bise Presidente.