Ibinahagi ng Israel sa United States ang intelligence report tungkol sa isang bago at “specific” na plano umano ng Iran na i-assassinate si US President Donald Trump.
Lumabas ang ulat kasunod ng serye ng retaliatory strikes sa pagitan ng Estados Unidos at Iran na nagdulot ng pangamba sa posibleng paglala ng tensyon at pag-usbong ng isang mas malawak na sigalot sa rehiyon.
Habang paalis mula sa isang NATO summit sa Turkey, pinayuhan ng US Secret Service si Trump na huwag gamitin ang bagong eroplanong regalo ng Qatar. Bilang pag-iingat sa seguridad, ipinadala ang naturang jet sa Britain habang ang pangulo ay sumakay sa lumang Air Force One pabalik sa Washington.
Sinabi ni Trump sa mga mamamahayag sakay ng eroplano na batid niya ang naturang banta. Ayon sa kanya, nais umano siyang patayin ng mga kalaban at kabilang siya sa mga target, ngunit hindi na siya nagbigay ng karagdagang detalye.
Ayon sa US Secret Service, pinili ang lumang Air Force One sa halip na ang bagong Qatari jet bilang bahagi ng mga hakbang sa seguridad kaugnay ng natukoy na banta.











