Mahigit 8,000 ektarya ng taniman ng mais sa Lungsod ng Cauayan ang naapektuhan ng matinding kakulangan ng ulan dulot ng El Niño, na nagdudulot ng malaking pinsala sa sektor ng agrikultura.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay City Agriculturist Engr. Ricardo Alonzo, sinabi nitong nasa “melting point” na ang mga pananim na mais o ang yugto kung saan matindi na ang epekto ng matagal na kakulangan ng tubig.
Dahil dito, unti-unti nang natutuyo at nalalanta ang mga taniman, na maaaring magresulta sa mababang ani o tuluyang pagkasira ng mga pananim kung hindi agad makatatanggap ng sapat na pag-ulan.
Ayon kay Engr. Alonzo, nasa 5,866 na magsasaka at humigit-kumulang 8,626 na ektarya ng taniman ng mais ang naapektuhan ng matinding tagtuyot.
Bukod sa mais, apektado na rin ang sektor ng palay, kung saan mahigit 2,000 magsasaka ang nakararanas na rin ng epekto ng kakulangan ng ulan.
Aniya, karamihan sa mga apektadong sakahan ay matatagpuan sa mga upland o forest areas na lubhang umaasa lamang sa tubig-ulan para sa patubig ng kanilang mga pananim.
Sa kabila nito, tiniyak ni Engr. Alonzo na nangako ang Department of Agriculture (DA) na agad na magbibigay ng kinakailangang tulong at suporta sa mga magsasakang naapektuhan upang mabawasan ang epekto ng El Niño sa kanilang kabuhayan.










