Posibleng bumaba ang presyo ng gasolina habang tataas naman ang diesel at kerosene sa susunod na linggo batay sa galaw ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
Ayon sa pagtataya batay sa unang apat na araw ng trading, maaaring bumaba ng P0.80 kada litro ang gasolina. Samantala, inaasahang tataas ng P2.50 kada litro ang diesel at P1.80 kada litro ang kerosene.
Sa pahayag ng Jetti Petroleum, patuloy na tumaas ang presyo ng langis dahil sa panibagong pangamba sa posibleng pagkaantala ng suplay kasunod ng isinagawang pag-atake ng Estados Unidos sa Iran noong Hulyo 9 at ang naging tugon ng Iran sa mga imprastraktura ng Amerika sa mga karatig-bansa sa Gulf region.
Nauna nang iniugnay ang pagtaas ng presyo ng langis dulot ng sigalot sa Gitnang Silangan sa pagbilis ng inflation sa Pilipinas mula noong Marso.
Bagama’t inaasahang magiging normal muli ang daloy ng oil shipping sa Strait of Hormuz, sinabi ng mga analyst na maaaring umabot pa ng ilang buwan bago bumalik sa antas bago ang kaguluhan sa Gitnang Silangan ang presyo ng produktong petrolyo.
Sinabi naman ni National Statistician na si Dennis Mapa na maaari pa ring magkaroon ng epekto ang nagpapatuloy na tensyon sa Gitnang Silangan sa inflation ng bansa dahil malaking bahagi pa rin ng inflation rate ang gastos sa transportasyon.











