Malaking ginhawa para sa mga namamasadang tricycle driver ang sunod-sunod na pagbaba ng presyo ng mga produktong petrolyo, kasunod ng malaking rollback sa presyo ng gasolina at diesel noong nakaraang linggo.
Muli ring nagpatupad ng panibagong bawas-presyo ngayong Martes, Nobyembre 7, na inaasahang makatutulong upang mabawasan ang araw-araw na gastusin ng mga tsuper.
sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Sotero Silaran, isang tricycle driver, sinabi niya na malaking tulong sa kanilang hanapbuhay ang pagbaba ng presyo ng gasolina dahil mas maliit na bahagi na lamang ng kanilang kinikita ang ilalaan sa pambili ng krudo.
Aniya, bagama’t nakadepende sa dami ng pasahero ang kanilang araw-araw na kita, malaking bagay ang anumang pagtitipid sa gasolina upang madagdagan ang kanilang maiuuwi sa pamilya.
Gayunman, aminado siyang hindi pa rin nawawala ang mga hamong kinakaharap ng mga namamasada, kabilang ang hindi tiyak na dami ng pasahero, mahabang oras ng pamamasada, at iba pang gastusin sa maintenance ng kanilang mga sasakyan.
Sa kabila nito, umaasa ang mga tsuper na magpapatuloy ang pagbaba ng presyo ng petrolyo upang higit na gumaan ang kanilang gastusin at makatulong sa pagpapanatili ng kanilang kabuhayan.











