Muling hinikayat ng City Agriculture Office ang mga magsasaka sa Lungsod ng Cauayan na magpa-insure sa Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) kasabay ng patuloy na nararanasang matinding epekto ng El Niño sa sektor ng agrikultura.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Ricardo Alonzo, City Agriculturist ng Lungsod, sinabi niyang mahalagang samantalahin ng mga magsasaka ang crop insurance ng PCIC upang magkaroon sila ng proteksiyon at pinansyal na ayuda sakaling masira ang kanilang mga pananim dahil sa matinding tagtuyot at iba pang kalamidad.
Aniya, malaking tulong ang insurance upang mabawasan ang pagkalugi ng mga magsasaka at magkaroon sila ng panibagong puhunan para makapagsimulang muli sa pagtatanim.
Dahil dito, muling nanawagan ang City Agriculture Office sa mga kwalipikadong magsasaka na magtungo sa kanilang tanggapan upang magpatala at makapag-avail ng crop insurance sa PCIC bago pa lumala ang epekto ng El Niño sa kanilang mga pananim.










