--Ads--

Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Executive Order No. 130 na nagtatatag ng bagong balangkas para sa pagsususpinde at pagpapatuloy ng face-to-face classes, school activities at onsite work sa mga paaralan at learning centers sa panahon ng kalamidad at iba pang emergency gaya ng inaasahang epekto ng El Niño.

Sa ilalim ng kautusan na nilagdaan noong Oktubre 28, 2026, layunin nitong mapag-isa at mas mapabuti ang mga patakaran sa pagsususpinde at pagbabalik ng klase habang tinitiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral at personnel at ang pagpapatuloy ng edukasyon.

Ipinakikilala ng EO 130 ang tatlong mekanismo sa pagsususpinde at pagbabalik ng klase: automatic, localized at granular suspension.

Sa ilalim ng automatic suspension, agad na masususpinde ang face-to-face classes kapag naglabas ang mga kinauukulang ahensya gaya ng PAGASA, PHIVOLCS at DENR-EMB ng babala o advisory na nakatutugon sa itinakdang technical thresholds.

--Ads--

Sa localized suspension naman, binibigyan ng kapangyarihan ang mga local chief executive o mga alkalde at gobernador na magdeklara ng suspensyon sa mga partikular na lugar batay sa aktuwal na panganib at resulta ng local risk assessment. Kailangan itong isagawa sa koordinasyon sa mga kinauukulang ahensya at National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Samantala, sa ilalim ng granular suspension, maaaring magpatupad ng suspensyon ang mismong paaralan o learning center kung may aktuwal o napipintong panganib sa kaligtasan ng mga mag-aaral at personnel, batay sa pagsusuri sa kondisyon ng kanilang lugar.

Nilinaw din sa kautusan na hindi awtomatikong nangangahulugan ng paghinto ng pag-aaral ang suspensyon ng face-to-face classes. Inaatasan ang mga paaralan na magpatupad ng angkop na learning continuity measures hangga’t maaari upang maipagpatuloy ang edukasyon sa kabila ng emergency.

Itinatakda rin ng EO 130 ang mga mekanismo sa pagbabalik ng klase, kabilang ang posibilidad na maagang magbukas muli ang isang paaralan kung mapatutunayang ligtas na ang lugar, sa pakikipag-ugnayan at pagsang-ayon ng kinauukulang local chief executive kung may umiiral pang localized suspension.

Inatasan naman ang Department of Education (DepEd), bilang pangunahing implementing agency, na bumuo ng mga implementing guidelines sa loob ng 30 araw mula sa pagkalagda ng kautusan, kasama ang iba pang ahensya ng pamahalaan.

Kabilang sa mga dapat linawin sa guidelines ang mga technical thresholds, pamantayan, dokumentong kailangan at proseso ng koordinasyon sa pagsususpinde at pagbabalik ng klase.

Binibigyang-diin ng bagong kautusan na kailangang mabalanse ang kaligtasan ng mga mag-aaral at guro at ang tuluy-tuloy na paghahatid ng dekalidad na edukasyon.