Paminsan-minsan pa ring naaamoy ng mga mag-aaral ng Cabaruan National High School Extension sa Cauayan City, Isabela ang masangsang na amoy mula sa kalapit na slaughterhouse, partikular kapag patungo sa kanilang lugar ang ihip ng hangin.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Florentino Rugnao, School Principal ng Cabaruan National High School Extension, sinabi niyang karaniwang isang beses lamang sa isang linggo nararanasan ang naturang amoy at hindi naman ito araw-araw, dahil nakadepende sa direksyon ng hangin.
Kaugnay nito, inirekomenda ni Rugnao ang paggamit ng makabagong teknolohiya sa waste management upang mas maayos na maproseso ang mga dumi mula sa mga kinakatay na hayop at maiwasan ang pagkalat ng masangsang na amoy.
Binigyang-diin niyang mahalagang magkaroon ng maayos na sistema sa pangangasiwa ng waste materials upang mapangalagaan ang kalinisan ng slaughterhouse at kapakanan ng mga mag-aaral at residente sa paligid nito.
Samantala, aminado ang City Veterinary Office ng Cauayan City na may mga pagkakataong naaamoy ang slaughterhouse, partikular kapag dumarating ang mga baboy na nakatakdang katayin.
Gayunman, tiniyak ng tanggapan na regular ang kanilang paglilinis sa pasilidad sa loob ng office hours, kabilang ang agarang pag-alis ng mga duming nagmumula sa operasyon upang mapanatili ang kalinisan at maiwasan ang posibleng epekto nito sa kapaligiran.








