Pinag-aaralan ng pamahalaan ang posibilidad na taasan ang multa at magpatupad ng mas mahigpit na kaparusahan laban sa mga taong mahuhuling nagtatapon ng basura sa mga hindi tamang lugar.
Sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na nababahala ang Malacañang sa mga kuha ng CCTV na nagpapakita ng mga indibidwal na basta na lamang nagtatapon ng basura sa mga estero, sapa, at maging sa mga lansangan mula sa mga umaandar na sasakyan.
Ayon kay Castro, bagama’t tuloy-tuloy ang mga programa at hakbang ng pamahalaan upang mabawasan ang pagbaha, mahalaga pa rin ang pakikiisa at disiplina ng bawat mamamayan.
Nanawagan din ang Palasyo sa publiko na iwasang magtapon ng basura kung hindi man makatutulong sa mga paglilinis upang hindi na lumala ang suliranin sa pagbaha.
Samantala, pinag-uusapan na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang panukalang dagdagan ang multa at higpitan ang mga parusa para sa mga lalabag sa mga ordinansa laban sa pagtatapon ng basura.











