--Ads--

Patay ang isang Amerikanong marine biologist matapos pagbabarilin sa loob ng kanyang bahay sa Barangay Ajong, Sibulan, Negros Oriental noong Linggo ng gabi, Hulyo 12.

Kinilala ang biktima na si Dr. Kent Carpenter, 73-anyos, isang adjunct professor at associate researcher ng Silliman University.

Batay sa ulat ng Sibulan Police Station, bandang alas-11:30 ng gabi nang sapilitang pasukin ng tatlong hindi pa nakikilalang lalaki na nakasuot ng bonnet ang bahay ng biktima habang nanonood ito ng telebisyon kasama ang kanyang 34-anyos na Filipina na kasamahan.

Ayon sa imbestigasyon, binaril sa ulo si Carpenter at ninakawan ng mga suspek. Samantala, iniulat din na umano’y sekswal na inabuso ng mga salarin ang babaeng kasama ng biktima.

--Ads--

Agad na bumuo ang Negros Oriental Police Provincial Office ng isang special investigation task group at nagsagawa ng hot pursuit operation upang matukoy at maaresto ang mga responsable sa krimen.

Patuloy na sinisiyasat ng mga awtoridad ang lahat ng posibleng motibo, kabilang ang personal at propesyonal na background ng biktima.

Si Dr. Carpenter ay kilala sa larangan ng marine science at may-akda ng isang mahalagang pag-aaral na nagdeklara sa Verde Island Passage bilang “Center of Marine Shore Fish Biodiversity” sa buong mundo.

Nakatuon din ang kanyang mga pananaliksik sa pinagmulan ng biodiversity sa Indo-West Pacific region, partikular sa Pilipinas kung saan siya nagsagawa ng maraming pag-aaral hinggil sa yamang-dagat.