--Ads--

Nakatakdang katawanin ng batang Filipino swimmer na si Behrouz Mohammad ‘Madi’ Mojdeh ang Pilipinas sa 48th Southeast Asian Age Group Championships na gaganapin sa Kuala Lumpur, Malaysia mula Nobyembre 27 hanggang 29.

Umalis na kahapon si Mojdeh kasama ang Philippine National Swimming Team upang makipagtagisan sa mahuhusay na batang manlalangoy sa rehiyon.

Sasabak siya sa anim na events, kabilang ang 100-meter butterfly, 400-meter individual medley at 200-meter butterfly, gayundin sa tatlong relay events.

Ayon kay Mojdeh, layunin niyang mapahusay ang kaniyang performance, matuto mula sa kompetisyon at maipagmalaki ng bansa ang kaniyang magiging kampanya.

--Ads--

Inspirasyon niya ang nakatatandang kapatid na si Micaela Jasmine Mojdeh, dating miyembro ng national junior swimming team at kasalukuyang bahagi ng national senior team.

Samantala, galing si Madi sa mahusay na kampanya sa NCAA Season 102 Swimming Championships kung saan nakasungkit siya ng dalawang ginto, tatlong pilak at dalawang tansong medalya.

Matapos ang SEA Age Group Championships, nakatakda rin siyang sumabak sa NCR Regional Meet sa Muntinlupa bilang qualifying event para sa Palarong Pambansa at sa Batang Pinoy sa Bacolod.