--Ads--

Nakatakdang magsampa ang Office of the Ombudsman ng magkahiwalay na reklamong plunder at paglabag sa Anti-Money Laundering Act laban kay dating House Speaker Martin Romualdez, kaugnay ng natuklasan sa fact-finding investigation sa umano’y anomalya sa mga flood control project.

Sa isang press briefing, sinabi ni Assistant Ombudsman Mico Clavano na natukoy ng kanilang imbestigasyon si Romualdez bilang pangunahing personalidad sa umano’y iskema ng paglihis ng pondong inilaan para sa mga flood control project.

Ayon kay Clavano, kasama rin sa mga isasailalim sa preliminary investigation si dating Ako Bicol Party-list Rep. Elizaldy Co at mahigit sampung iba pang indibidwal. Inaasahan namang maglalabas ngayong linggo ng kautusan para sa pagsusumite ng counter-affidavit ng mga respondent.

Sinabi ng Ombudsman na nagsimula ang imbestigasyon mula sa mga sinumpaang salaysay ng walong dating security personnel ni Co na umano’y naghatid ng pera sa ilang opisyal ng pamahalaan, kabilang si Romualdez.

--Ads--

Dagdag pa ni Clavano, nakakalap din sila ng iba pang ebidensya gaya ng records mula sa money exchange companies, bank transfers, at mga shell company na umano’y may kaugnayan sa dating House Speaker. Aniya, sapat ang mga nakuhang ebidensya upang magpatuloy ang kaso kahit pa bawiin ng mga testigo ang kanilang mga pahayag.

Nilinaw naman ng Ombudsman na ang pagsasampa ng reklamo para sa preliminary investigation ay hindi nangangahulugan ng pagkakasala, kundi indikasyon lamang na may sapat na ebidensyang nakalap upang magsagawa ng mas malalim at pormal na imbestigasyon.