--Ads--

Mariing pinabulaanan ni Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Jay Tarriela ang alegasyon ng China na nanghimasok umano ang mga tauhan ng Philippine Navy sa Ayungin Shoal.

Ang pahayag ay kasunod ng panibagong insidente sa pagitan ng mga sundalong Pilipinong nakatalaga sa BRP Sierra Madre at ng China Coast Guard (CCG) nitong Hulyo 20.

Sa inilabas na pahayag noong Hulyo 21, sinabi ni Tarriela na walang ginawang paglabag ang mga tauhan ng Pilipinas at iginiit na ang mga ito ay nasa loob ng teritoryong sakop ng bansa nang mangyari ang komprontasyon.

Ayon sa opisyal ng PCG, ang Ayungin Shoal ay bahagi ng exclusive economic zone at continental shelf ng Pilipinas batay sa 2016 Arbitral Award at sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS). Aniya, walang legal na batayan ang pag-aangkin ng China sa lugar, kabilang ang tinatawag nitong nine-dash line.

--Ads--

Ipinaliwanag din ni Tarriela na isang rigid hull inflatable boat ng China Coast Guard 21560 na may walong sakay ang lumapit sa BRP Sierra Madre at nagsagawa ng hindi awtorisadong inspeksiyon malapit sa barko ng Philippine Navy.

Dahil dito, nagpadala ng mga rubber boat ang Armed Forces of the Philippines upang paalisin ang naturang sasakyang pandagat sa paraang hindi komprontasyonal. Gayunman, hindi umano ito sinunod ng mga tauhan ng China Coast Guard at nauwi sa marahas na engkwentro.

Sinabi ni Tarriela na isang miyembro ng Chinese crew ang umano’y humampas sa ulo ng isang sundalong Pilipino gamit ang kahoy na baton, na nagdulot ng sugat sa biktima at pinsala sa rubber boat ng Pilipinas.

Binigyang-diin niya na ang insidente ay isang direktang pag-atake laban sa mga tauhan ng Pilipinas sa loob mismo ng exclusive economic zone ng bansa.

Dagdag pa niya, taliwas umano sa inilalahad ng China Coast Guard ang aktuwal na pangyayari dahil ang kanilang pahayag ay naglalarawan sa aggressor bilang biktima. Aniya, ang mga tauhan ng Pilipinas ay tumugon lamang upang tiyakin ang seguridad ng BRP Sierra Madre at ng mga sundalong nakatalaga rito.

Iginiit din ni Tarriela na walang legal na kapangyarihan ang China na magsagawa ng pagpapatupad ng batas sa Ayungin Shoal dahil wala itong teritoryal na dagat, EEZ, o continental shelf entitlement sa naturang lugar.

Ang insidente ay naganap sa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas, mahigit 600 nautical miles mula sa Hainan Island ng China.