Naghain si Senator Risa Hontiveros ng isang resolusyon na humihiling ng imbestigasyon sa Senado kaugnay ng provisional understanding sa pagitan ng Pilipinas at China hinggil sa mga resupply mission sa Ayungin Shoal.
Sa ilalim ng Senate Resolution No. 589, binanggit ni Hontiveros ang ilang insidenteng aniya’y naglalagay sa bisa at pagiging epektibo ng kasunduan sa pagdududa.
Kabilang dito ang insidente noong Hunyo 17, 2024 kung saan naputulan ng daliri ang isang tauhan ng Philippine Navy matapos umanong banggain ng Chinese Coast Guard ang kanilang bangka sa Ayungin Shoal.
Tinukoy rin ng senadora ang insidente noong Marso 2026 kung saan umano’y tinutukan ng fire control radar ng isang Chinese Navy vessel ang BRP Miguel Malvar malapit sa Escoda Shoal, gayundin ang pangyayari noong Marso 25, 2026 kung saan nakaiwas ang BRP Benguet sa isang Chinese missile frigate.
Ayon kay Hontiveros, kung layunin ng kasunduan na maiwasan ang tensyon at maprotektahan ang mga Pilipinong nagsasagawa ng resupply mission sa Ayungin Shoal, dapat suriin kung bakit patuloy pa ring nagaganap ang mga insidenteng naglalagay sa panganib sa mga sundalo at tauhan ng bansa.











