Inatasan ni Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang lahat ng hepe ng pulisya at unit commanders na regular na i-update ang listahan ng mga wanted person hanggang sa antas ng mga lungsod at munisipalidad bilang bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa mga pugante.
Ayon kay Nartatez, kinakailangang magtakda ang bawat chief of police ng buwanang target na operasyon laban sa mga wanted person sa kanilang nasasakupan, partikular ang mga kabilang sa Top 10 Most Wanted Persons.
Kasama rin sa direktiba ang regular na pagsusuri sa mga arrest warrant na inilalabas ng mga korte upang matukoy kung ang mga nakalistang indibidwal ay nasa loob ng kanilang area of responsibility.
Batay sa datos ng PNP Crime Information, Reporting and Analysis System (CIRAS), tinatayang nasa 500,000 ang mga pugante sa buong bansa na may umiiral na warrant of arrest mula sa iba’t ibang korte.
Aminado ang PNP na ang ilan sa mga kaso ay matagal nang nakabinbin at may mga wanted person na naiulat nang pumanaw, ngunit iginiit ni Nartatez na dapat pa ring paigtingin ang kampanya upang matukoy ang tunay na kalagayan ng bawat indibidwal na nasa listahan.










