Pumanaw na sa edad na 18 ang US actress na si Kaylee Hottle, na nakilala sa kanyang pagganap bilang Jia sa mga pelikulang Godzilla vs. Kong at Godzilla x Kong: The New Empire, matapos masangkot sa isang vehicular accident sa Maryland, USA.
Kinumpirma ng kanyang ama na si Joshua Hottle ang malungkot na balita sa pamamagitan ng isang video statement sa Facebook gamit ang American Sign Language (ASL). Si Hottle ay isang deaf actress na naging inspirasyon sa maraming miyembro ng deaf community dahil sa kanyang matagumpay na karera sa Hollywood.
Ayon sa Frederick County Sheriff’s Office, naganap ang aksidente dakong alas-2:50 ng madaling araw noong Martes sa Ijamsville, Maryland. Lumalabas sa paunang imbestigasyon na posibleng sanhi ng aksidente ang sobrang bilis ng sasakyan.
Nagtamo naman ng mga sugat ang 19-anyos na driver at dinala sa ospital para sa gamutan, habang tumanggi naman sa tulong medikal ang isa pang pasahero na kasama sa sasakyan.
Nagbigay-pugay rin ang Texas School for the Deaf, kung saan nag-aral si Hottle, at nagpahayag ng pakikiramay sa kanyang pamilya, mga kaibigan at mga kaklase. Hiniling din ng paaralan sa publiko na igalang ang privacy ng pamilya at iwasan ang anumang espekulasyon kaugnay ng insidente.
Naglabas din ng tribute ang Warner Bros., ang studio na nasa likod ng sikat na monster film franchise, bilang pag-alala sa batang aktres.
Naging bahagi si Hottle ng Godzilla vs. Kong noong 2021 kasama ang mga Hollywood stars na sina Alexander Skarsgård, Millie Bobby Brown at Rebecca Hall. Muli niyang ginampanan ang karakter ni Jia sa Godzilla x Kong: The New Empire noong 2024, na nagbigay sa kanya ng nominasyon sa Saturn Awards bilang Best Younger Performer in a Film.





