“Bloodbath ba talaga o birthday party?”
Ito ang naging reaksiyon ni Akbayan party-list Rep. Perci Cendaña matapos hilingin ni Vice President Sara Duterte kay Senate President Sherwin Gatchalian na pahintulutan ang kanyang kampo na kumuha ng sariling caterer para sa pagkain at inumin ng kanyang mga abogado, support staff, at mga testigo sa impeachment trial.
Ayon kay Duterte, layunin ng kahilingan na matiyak ang seguridad ng kanyang defense team at mga witness. Hiniling din niya na sagutin ng Senado ang mga gastusin para sa catering services.
“Si VP Sara ‘yung kaibigan mong nag-RSVP ng sampu, pero demanding pa sa buffet. Parang mas concerned pa sa catering kesa sa impeachment trial,” puna ni Cendaña.
Sinabi ng mambabatas na hindi niya inaasahan ang naturang kahilingan mula sa Bise Presidente dahil aniya, hindi umano isang birthday party kundi isang “bloodbath” ang una nitong inilarawan na mangyayari sa impeachment proceedings.
Gayunman, sinabi ni Cendaña na hindi na rin siya nagulat sa naging hakbang ni Duterte dahil, “Sabi nga ni Digong, bratinella!”
Noong Miyerkules, natapos ng impeachment court ang pagdinig sa Article IV ng impeachment complaint na may kaugnayan sa umano’y pagbabanta ni Duterte laban sa Pangulo.
Sa susunod na linggo, inaasahang sisimulan naman ang pagtalakay sa Article I na tumutukoy sa umano’y maling paggamit ng P612.5 milyong confidential funds ng Office of the Vice President, kabilang ang P125 milyon na sinasabing nagastos sa loob lamang ng 11 araw noong 2022.











