Inalis ng defense team ni Vice President Sara Duterte ang karamihan sa mga kinatawan ng bangko sa kanilang listahan ng mga testigo sa impeachment trial, maliban sa representative ng Bank of the Philippine Islands o BPI.
Ayon kay defense spokesperson Michael Poa, layunin nitong paikliin ang mga pagdinig at maiwasan ang pag-aaksaya ng oras ng Senate impeachment court at ng mga testigo, lalo’t naitala na ang mga naunang testimonya tungkol sa pagpapatunay sa authenticity ng mga bank records.
Inalis din ng depensa sa kanilang witness list ang isang barangay captain.
Gayunman, hindi na tinukoy ni Poa ang pagkakakilanlan ng iba pang mga testigong kanilang ihaharap sa mga susunod na pagdinig.
Samantala, tiniyak ni Poa na may iba pa silang mga testigong magbibigay-linaw sa mga katanungan ng senator-judges tungkol sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth o SALN ni Duterte.
Ito ay matapos kuwestiyunin ng ilang senador ang kakulangan ng detalye sa testimonya ni Atty. Suzette Balucanag-Punay, in-house lawyer ng GenCorp Industries at Metro City Chow Foods, partikular sa mga pagkakaiba ng impormasyong nakasaad sa SALN at sa mga dokumento ng Securities and Exchange Commission.











