--Ads--

Nagbabala si Impeachment Trial Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero na maaaring patawan ng contempt of court o kasuhan ng perjury ang sinumang magsisinungaling sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Ito ay matapos hingin ni Senador Vicente “Tito” Sotto III ang paglilinaw sa mga parusang maaaring kaharapin ng mga testigong magsisinungaling sa ilalim ng panunumpa. Ipinaalala rin ni Senador Panfilo Lacson ang kapangyarihan ng impeachment court na mag-cite for contempt.

Samantala, nagpahayag ng pag-asang matatapos ang paglilitis bago mag-Pasko o Bagong Taon si Escudero, bagama’t wala umanong tiyak na timeline dahil nakadepende ito sa mga ebidensyang ilalahad ng depensa at takbo ng mga pagdinig.

Sa kasalukuyan, Article II na lamang ng impeachment complaint ang tinatalakay, na may kaugnayan sa umano’y hindi maipaliwanag na yaman at hindi kumpletong deklarasyon ng mga ari-arian ni Duterte sa kaniyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth o SALN.

--Ads--

Matatandaang iniurong na ng prosekusyon ang tatlo sa apat na artikulo ng impeachment complaint laban sa bise presidente.