--Ads--

Inihayag ni House prosecutor at Bicol Saro party-list Rep. Terry Ridon na hindi dapat matigil ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte kahit pa magbitiw ito sa puwesto.

Ang pahayag ay kasunod ng mga kumakalat na ispekulasyon sa social media na maaaring magbitiw ang Bise Presidente. Nilinaw naman ni Ridon na wala siyang natatanggap na impormasyon na magpapatunay sa naturang usapin.

Binigyang-diin ng mambabatas na bukod sa pagpapatalsik sa puwesto, layunin din ng impeachment ang posibleng diskuwalipikasyon sa paghawak ng anumang posisyon sa gobyerno, kaya dapat magpatuloy ang paglilitis.

Kapareho rin ito ng pananaw nina Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong at House prosecution panel legal spokesperson Atty. Benjamin Tolosa Jr., na nagsabing hindi awtomatikong matatapos ang impeachment proceedings sa pamamagitan lamang ng pagbibitiw.

--Ads--

Gayunman, sinabi ni Ridon na nasa Senate impeachment court pa rin ang pinal na kapangyarihan upang magpasya kung ipagpapatuloy o hindi ang paglilitis.

Natapos na ng House prosecution panel ang presentasyon ng mga testigo at ebidensya para sa Article IV ng impeachment complaint na may kaugnayan sa umano’y pagbabanta ni Duterte laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating Speaker Martin Romualdez.