Posibleng matapos sa Nobyembre ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte kung matatapos ng defense team ang paglalahad ng kanilang ebidensya sa loob ng 10 araw ng paglilitis, ayon kay Batangas 2nd District Representative Gerville Luistro, lead prosecutor ng Kamara.
Ayon kay Luistro, inaasahang hihiling ang depensa ng 10 full trial days upang ilahad ang kanilang panig kaugnay sa alegasyon ng unexplained wealth laban sa Bise Presidente.
Ito na lamang ang natitirang impeachment article matapos ibasura ng prosecution ang tatlong iba pang reklamo na may kaugnayan sa umano’y pagbabanta kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., maling paggamit ng confidential funds at panunuhol sa mga opisyal ng Department of Education.
Gayunman, posibleng umabot pa sa Disyembre ang paglilitis kung mangangailangan ng karagdagang panahon ang defense team, bukod pa sa panahong ilalaan ng mga senador-hukom sa pagrepaso sa mga ebidensya bago maglabas ng hatol.
Samantala, nakatakdang ipagpatuloy ang impeachment trial sa Nobyembre 9 hanggang 13, at magpapatuloy ang mga pagdinig sa Nobyembre 19, 20, 23 at 30.
Umaasa naman si Luistro na matatapos ang paglilitis bago ang Pasko upang magkaroon na umano ng closure ang proseso.











