--Ads--

Posibleng matapos ngayong Nobyembre ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte kung maipipri­sinta ng depensa ang ebidensya nito para sa natitirang artikulo ng impeachment sa loob ng 10 araw ng paglilitis, ayon kay Batangas 2nd District Rep. Gerville Luistro, lead House prosecutor.

Ayon kay Luistro, inaasahan ng prosekusyon na hihiling ang depensa ng 10 araw upang ilahad ang ebidensya nito kaugnay ng alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman ni Duterte.

Ito na lamang ang natitirang artikulo matapos bawiin ng prosekusyon ang tatlong iba pa na may kaugnayan sa umano’y pagbabanta laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ma­ling paggamit ng confidential funds, at panunuhol sa mga opisyal ng Department of Education.

Nauna nang humiling ang depensa ng 30 araw ng paglilitis para sa apat na orihinal na artikulo ng impeachment.

--Ads--

Gayunman, sinabi ni Luistro na maaaring umabot hanggang Disyembre ang paglilitis kung kakailanganin pa ng dagdag na oras ang depensa at para mabusisi ng mga senator-judges ang rekord ng kaso bago magpasya.

Umaasa naman si Luistro na matatapos ang paglilitis bago mag-Pasko upang magkaroon ng closure ang lahat ng panig.

Magbabalik sa buong linggong iskedyul ang impeachment court ngayong Nobyembre. Magkakaroon ng mga pagdinig sa Nobyembre 9, 10, 11, 12, 13, 19, 20, at 23, habang walang sesyon sa Nobyembre 30 dahil holiday.