Umabot sa halos ₱588,000 halaga ng iligal na kahoy ang nasamsam ng Police Regional Office 2 (PRO2), habang 137 indibidwal naman ang naaresto sa serye ng Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operations (SACLEO) na isinagawa sa buong Cagayan Valley mula Hulyo 16 hanggang 22.
Batay sa ulat ng PRO2, limang operasyon laban sa illegal logging ang isinagawa sa ilalim ng Presidential Decree No. 705 na nagresulta sa pagkakaaresto ng limang suspek at pagkakakumpiska ng 11,956 board feet ng iligal na kahoy na tinatayang nagkakahalaga ng ₱587,357.
Sa kampanya laban sa mga wanted person, 75 indibidwal ang nadakip, kabilang ang dalawang most wanted person at 73 iba pang pinaghahanap ng batas sa magkakahiwalay na operasyon sa rehiyon.
Samantala, 19 na hinihinalang sangkot sa ilegal na droga ang naaresto sa 16 na operasyon ng pulisya. Nasamsam sa kanila ang 35.71 gramo ng hinihinalang shabu na may tinatayang halagang ₱242,848 at pitong gramo ng marijuana na nagkakahalaga ng ₱840, na may kabuuang standard drug price na ₱243,688.
Sa kampanya naman laban sa ilegal na sugal, 24 katao ang nahuli sa anim na operasyon.
Tatlo rin ang naaresto sa pagpapatupad ng Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, habang pitong baril ang nakumpiska ng mga awtoridad sa tatlong magkakahiwalay na operasyon.
Bukod dito, boluntaryong isinuko at narekober ang 54 na baril at dalawang pampasabog sa tulong ng mga mamamayan bilang suporta sa kampanya ng pamahalaan laban sa loose firearms at mga eksplosibo.
Ayon pa sa PRO2, nasa 14,183 indibidwal ang naitalang lumabag sa iba’t ibang lokal na ordinansa sa rehiyon sa ilalim ng programang “Safer Cities” Initiative.
Sinabi ni PRO2 Regional Director PBGen. Mariano C. Rodriguez na patunay ang malaking pagkakasamsam ng iligal na kahoy sa patuloy na pagpapaigting ng kampanya ng kapulisan laban sa illegal logging at iba pang paglabag sa batas.










