--Ads--

Hinatulan ng Sandiganbayan 6th Division na guilty si Janet Napoles sa 10 bilang ng kasong graft at malversation of public funds through falsification of documents.

Kaugnay ito ng umano’y maanomalyang pagkuha ng P50 milyon mula sa Department of Agrarian Reform (DAR) sa pamamagitan ng 10 non-government organizations na sinasabing gagamitin sana para sa farm inputs.

Gayunman, itinanggi ng 10 lokal na pamahalaan na sangkot sa transaksyon ang pagkakaroon ng rekord o paghiling ng naturang mga proyekto.

Ipinataw ng hukuman ang parusang 12 hanggang 15 taong pagkakakulong kay Napoles sa bawat bilang ng kasong graft, habang 17 taon at apat na buwan hanggang 20 taon naman sa bawat bilang ng malversation.

--Ads--

Hinatulan din ng Sandiganbayan na guilty si dating DAR Undersecretary Jerry Pacturan sa 10 bilang ng kasong malversation, habang si Evelyn de Leon ay nahatulan naman sa tig-tatlong bilang ng graft at malversation.

Iniutos din ng korte kina Napoles at Pacturan na ibalik sa National Treasury ang P50 milyong pondong sangkot sa kaso.