Nakahanda ang Department of Agrarian Reform (DAR) ng ₱600 milyong quick response fund upang matulungan ang mga agrarian reform beneficiaries (ARBs) na posibleng maapektuhan ng inaasahang Super El Niño.
Inihayag ito ni Sen. Francis “Kiko” Pangilinan sa deliberasyon ng panukalang ₱16.121-bilyong budget ng DAR para sa 2027, kasunod ng pagtatanong ni Sen. Bong Go hinggil sa paghahanda ng ahensya sa matinding tagtuyot.
Kabilang sa mga hakbang ng DAR ang pagpapatupad ng solar-powered irrigation projects katuwang ang National Irrigation Administration, pagsusulong ng mga pananim na matibay sa El Niño at pagbibigay ng suporta upang mapataas ang produksiyon at kita ng mga magsasaka.
Inaasahang makikinabang sa mga programa ang 579 na komunidad, 734 agrarian reform beneficiary organizations at 26,900 agrarian reform beneficiaries.
Ayon kay Pangilinan, nakalaan ang ₱949 milyon para sa dalawang programa na magbibigay ng farm inputs, makinarya at iba pang serbisyong makatutulong sa mga magsasaka sa gitna ng banta ng matinding tagtuyot.











