Nagpahayag ng pagkadismaya si MMDA General Manager Nicholas Torre III sa patuloy na pagbaha sa Davao City, partikular sa NHA Bangkal sa Barangay Talomo, kung saan mayroon siyang bahay at naninirahan ang kanyang kapatid.
Ayon kay Torre, bagama’t may nagsasabing normal na ang pagbaha sa lungsod dahil sa mountain runoff at dahil nagsisilbi itong catch basin, hindi naman aniya bago ang mga bundok at hindi rin bago ang malalakas na pag-ulan.
Binigyang-diin niya na bilyon-bilyong piso ang inilaan para sa mga flood control project na ang pangunahing layunin ay hindi pigilan ang pag-ulan kundi tiyaking hindi na pumapasok ang baha sa mga tahanan ng mga residente.
Dahil dito, kinuwestiyon niya kung epektibo ba talaga ang mga flood control system kung patuloy pa ring binabaha ang mga bahay tuwing may malakas na ulan.
Dagdag pa ni Torre, bilang residente ng Davao, hindi siya naghahanap ng mga dahilan o palusot kundi konkretong resulta. Aniya, ang tunay na sukatan ng tagumpay ng flood control projects ay kung gaano karaming tahanan ang naililigtas sa pagbaha.





