--Ads--

Muling nasungkit ng Alas Pilipinas Men ang ikalimang puwesto matapos talunin ang Myanmar sa tatlong sunod na set, 28-26, 25-17, 25-23, sa ikalawang leg ng 2026 SEA V Cup sa Jakarta International Velodrome sa Indonesia.

Tulad ng naging resulta sa unang leg sa Candon City, Ilocos Sur, nagtapos muli sa ikalimang puwesto ang pambansang koponan matapos mabigo laban sa Cambodia at Indonesia sa eliminasyon ngunit nakabawi kontra Myanmar sa classification match.

Matinding laban ang nasaksihan sa unang set kung saan umabot pa sa extension ang sagupaan bago tuluyang maipanalo ng Pilipinas sa tulong ng mahalagang attack ni Lirick Mendoza at error ng Myanmar.

Mas naging dominante ang Alas Pilipinas sa ikalawang set matapos magtala ng malaking kalamangan, habang nagawang pigilan ang huling paghabol ng Myanmar sa ikatlong set upang tuluyang maisara ang laban.

--Ads--

Pinangunahan ni Mendoza ang Pilipinas sa naitalang 21 puntos, habang nagdagdag sina Louie Ramirez ng 11 puntos at team captain Lloyd Josafat ng siyam na puntos sa panalo ng Alas Pilipinas Men.