Nananatiling buhay ang kampanya ng Alas Pilipinas Women matapos nitong gapiin ang mas mataas na ranggong Vietnam, 22-25, 25-23, 25-21, 25-22, sa ikalawang leg ng 2026 SEA V Cup sa Chiang Mai, Thailand.
Naitala ng Filipinas ang kanilang unang panalo laban sa Vietnam sa naturang torneo mula pa noong 2019 at umangat sa 1-1 kartada. Makakaharap naman nila ang Indonesia sa kanilang huling laban.
Matapos mabigo sa unang set, bumawi ang Alas Pilipinas sa ikalawang yugto sa pangunguna nina Eya Laure at Thea Gagate. Isang matinding palo ni Laure ang nagtapos sa set upang maitabla ang laban.
Nagpatuloy ang momentum ng Pilipinas sa ikatlong set kung saan nakapagtayo sila ng malaking kalamangan bago tuluyang isara ni Bella Belen ang set para sa 2-1 abante. Sa ikaapat na set, nakabawi pa ang Vietnam mula sa limang puntos na pagkakaiwan ngunit muling umarangkada sina Belen at Laure upang maselyuhan ang panalo.











