Patuloy na lumalala ang malawakang wildfire sa Spain kung saan ilang linggo nang nagpapatuloy ang sunog at patuloy na nagpapalikas ng mga residente habang nagsisikap ang mga awtoridad at karatig-bansa sa Europe na mapigilan ang paglawak nito.
Ayon kay Bombo International News Correspondent Eva Tinaza mula sa Spain, sinabi nitong idineklara na bilang national wildfire ang naturang sunog dahil sa lawak ng pinsalang idinulot nito.
Ayon kay Tinaza, patuloy pa ring kumakalat ang apoy sa kabila ng walang tigil na operasyon ng mga bombero gamit ang mga fire truck, helicopter at eroplano sa pag-apula ng apoy.
Aniya, tumutulong na rin ang ilang bansa sa Europe kabilang ang Greece upang mapabilis ang pagkontrol sa wildfire.
Sinabi pa nito na unti-unti nang lumalapit ang apoy sa ilang bahagi ng Madrid kaya nananatiling nakaalerto ang mga awtoridad at residente.
Bagama’t wala pang inilalabas na evacuation order sa mismong sentro ng Madrid, patuloy namang dumarami ang mga residenteng kusang lumikas mula sa mga lugar na malapit sa sunog bilang pag-iingat.
Ayon kay Tinaza, maraming kabahayan at sasakyan na ang natupok ng apoy ngunit agad namang nailikas ang karamihan sa mga residente kaya naiwasan ang mas malaking bilang ng mga nasawi.
Sa kasalukuyan, wala pa ring inilalabas na opisyal na bilang ng mga nasawi at nasugatan habang nagpapatuloy ang beripikasyon ng mga awtoridad.
Samantala, tiniyak ng pamahalaan ng Spain na gagawin ang lahat ng kinakailangang hakbang upang mapigilan ang patuloy na paglawak ng wildfire at matiyak ang kaligtasan ng mga residente.











