Sinampahan ng ethics complaint nitong Miyerkoles si Senadora Pia Cayetano kaugnay ng spliced video ni House Prosecutor Chel Diokno na nagkomento sa financial records ni Vice President Sara Duterte.
Ang reklamo ay inihain ng iba’t ibang grupo tulad ng women’s rights advocates, academics at feminist.
Hiniling ng grupo sa Senate Committee on Ethics and Privileges na imbestigahan at patawan ng disciplinary sanctions ang Senator-Judge dahil sa pag-post ng “spliced and misleading” video tungkol kay Diokno.
Naniniwala silang lumabag si Sen. Cayetano sa Code of Professional Responsibility and Accountability, at sa constitutional oath ng Senator-Judges na magpakita ng impartial justice.
Isinumite ng grupong Tindig Pilipinas kay Senate President Pro Tempore Vicente “Tito” Sotto III, chairperson ng Committee on Ethics and Privileges ang reklamo.
Noong nakaraang linggo, kumalat ang spliced video kung saan nagmukhang sinabi ni Akbayan Rep. Chel Diokno na “nagbabakasakali lang” at walang ebidensiya ang prosekusyon sa kanilang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Ibinahagi ni Cayetano sa kanyang official Facebook page ang nasabing video.










