Naging ligtas at mapayapa ang paggunita ng Undas 2026 sa Cauayan City matapos walang maitalang major incident ang Cauayan City Police Station (CCPS), maliban sa ilang minor vehicular accidents sa gitna ng pagdagsa ng mga motorista at mga dumalaw sa mga sementeryo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Christian Mendoza Felix, Officer-In-Charge ng CCPS, sinabi nitong naging maayos ang kanilang security deployment upang matiyak ang kaligtasan ng mga mamamayang dumalaw sa mga sementeryo.
Ayon kay PMaj. Felix, alas-dose pa lamang ng hatinggabi noong Oktubre 30 ay naideploy na ang mga tauhan ng CCPS sa iba’t ibang sementeryo sa lungsod. Naglagay rin ang mga ito ng security advisories at mga paalala sa mga entrada upang magsilbing gabay sa publiko.
Bagama’t walang naitalang mabigat na krimen o major incident, ilang minor vehicular accidents naman ang naitala dahil sa dami ng mga sasakyang bumibiyahe noong Nobyembre 1 at 2.
Mabilis namang rumesponde ang mga awtoridad sa mga nasabing insidente na hindi nakaapekto sa pangkalahatang kaayusan ng paggunita ng Undas sa lungsod.
Pinasalamatan naman ng CCPS ang publiko at mga katuwang na ahensya sa kanilang kooperasyon na nakatulong upang maging ligtas, maayos at mapayapa ang Undas ngayong taon.











