Umaasa ang Malacañang na dadalo si Chinese President Xi Jinping sa ASEAN Summit upang mapag-usapan ang mga isyu sa pagitan ng Pilipinas, China, at iba pang bansa sa rehiyon.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, mahalagang pagkakataon ang summit upang talakayin at maayos ang mga usaping kinahaharap ng mga bansa sa ASEAN.
Wala namang ibinigay na detalye si Castro kung personal na inimbitahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Xi na dumalo sa ASEAN Summit.
Matatandaang sinabi ng Pangulo sa kanyang pagbisita sa China noong Enero 2023 na inimbitahan niya si Xi na bumisita sa Pilipinas.
Tiniyak din ng Malacañang na hindi makakaapekto sa pagdalo ng mga lider ang mga naging pahayag kamakailan ng China, habang patuloy na nakikipag-ugnayan ang Pilipinas sa mga bansang lalahok sa pagtitipon.
Matatandaang inakusahan ni Zhang Xiaogang, tagapagsalita ng Ministry of National Defense ng China, ang Pilipinas na umano’y sinisira ang diwa ng pagkakaisa ng ASEAN.
Nakatakdang idaos sa Pilipinas ang ASEAN Summit sa Nobyembre 16 hanggang 18, 2026.











