--Ads--

Pinagpapaliwanag ng Senate Committee on Ethics si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa kaugnay ng isang ethics complaint na isinampa laban sa kanya.

Ayon kay Sen. JV Ejercito, na siyang chair ng komite, humihingi na sila ng paliwanag mula kay Dela Rosa habang patuloy na tinatalakay ng komite ang mungkahing “no work, no pay” policy para sa mga mambabatas na hindi nakadadalo sa kanilang mga tungkulin. Dagdag pa niya, ang naturang polisiya ay daraan pa sa deliberasyon sa plenaryo ng Senado bago magkaroon ng pinal na desisyon.

Sa parehong pagpupulong, iniulat din ni Ejercito na apat na ethics complaints ang tuluyang ibinasura ng komite matapos ituring na “frivolous” o walang sapat na batayan. Tatlo naman sa mga reklamo ang ipinagpaliban para sa mas malalim na pag-aaral, habang dalawa pa ang nananatiling nakabinbin at hinihintay ang sagot mula sa ilang ahensya ng pamahalaan.

Samantala, nilinaw ng komite na hindi na nila ilalantad sa publiko ang mga reklamong kanilang dinismis.

--Ads--