--Ads--

Pangungunahan nina team captain Jia De Guzman, Eya Laure, Bella Belen, Vanie Gandler, Erika Santos at Alyssa Solomon ang kampanya ng Alas Pilipinas sa 6th Southeast Asia (SEA) V Cup Women’s Volleyball Week 1 na gaganapin sa Hanoi, Vietnam.

Dumating na kahapon sa kabisera ng Vietnam ang koponan na pinamumunuan ni Japanese coach Taka Minowa bilang paghahanda sa pagsisimula ng torneo bukas sa Dong Anh Gymnasium.

Kabilang din sa roster ng Alas Women sina Fifi Sharma, Mars Alba, Thea Gagate, Dawn Macandili, Jen Nierva, Dell Palomata, Jasmine Jazareno, Nina Ytang, gayundin ang mga National University standouts na sina Celine Marsh at Vange Alinsug.

Hindi naman kasama sa koponan sina De La Salle University stars Angel Canino at Amie Provido, reigning UAAP Best Libero Shaira Jardio ng National University, at Galeries Tower standout Lams Lamina na naging top overall pick sa PVL Rookie Draft.

--Ads--

Ayon sa patakaran ng torneo, 14 lamang sa 16 na manlalaro ng bawat koponan ang maaaring ilista para sa Week 1 at Week 2, habang ang natitirang dalawa ay magsisilbing reserba.

Makakaharap agad ng Alas Women ang host na Vietnam sa kanilang unang laban bago sumagupa sa Thailand sa Sabado at Indonesia sa Linggo.

Bahagi ang SEA V Cup ng paghahanda ng Alas Pilipinas Women para sa nalalapit na 20th Asian Games sa Aichi-Nagoya, Japan na idaraos mula Setyembre 19 hanggang Oktubre 4.