--Ads--

Hinimok ni Tingog party-list Representative Jude Acidre si Vice President Sara Duterte na gamitin ang impeachment trial sa Senado upang personal na sagutin ang mga findings ng Commission on Audit (COA) kaugnay ng kanyang confidential funds.

Ayon kay Acidre, hindi sapat na kuwestiyunin lamang ang COA dahil si Duterte lamang umano ang makapagpapaliwanag sa paggamit at layunin ng mga pondong kanyang inaprubahan.

Aniya, maaaring magpaliwanag ang mga tauhan tungkol sa mga proseso, ngunit ang Bise Presidente lamang ang makasasagot sa mga desisyong may kinalaman sa paggamit ng confidential funds.

Dagdag niya, ang impeachment court ang tamang lugar upang maipaliwanag ang mga isyu sa ilalim ng panunumpa at hindi sa pamamagitan lamang ng press conference o social media.

--Ads--

Binigyang-diin din ni Acidre na may karapatan ang publiko na malaman kung may tunay na operasyon, lehitimong resulta, at kung saan napunta ang pondo ng bayan, habang pinananatiling kumpidensyal ang mga sensitibong impormasyon kung kinakailangan.

Ayon pa sa kanya, layunin ng impeachment na alamin kung karapat-dapat pa bang pagkatiwalaan ng publiko ang isang opisyal ng pamahalaan.