--Ads--

Inalmahan ni Mayor Caesar “Jaycee” Dy Jr. ang umano’y kawalan ng respeto at pambabastos na kaniyang naranasan mula sa ilang kabataan kasunod ng mga batikos sa social media dahil sa hindi pagsuspinde ng klase sa Cauayan City sa kabila ng pag-ulang dala ng bagyo.

Sa isang pahayag na ibinahagi sa kaniyang social media account, sinabi ng alkalde na nakatanggap siya ng maraming negatibong komento at mensahe matapos magpasya ang pamahalaang lungsod na huwag suspendihin ang klase.

Ayon kay Mayor Dy, may ilang kabataan na nagpadala pa ng mga mensahe na nagmamakaawang ipasuspinde ang klase dahil sa nararanasang masamang panahon. Gayunman, sinabi niyang may ilan ding nagpakita ng kawalan ng respeto at gumamit ng mapanlait na pananalita laban sa kaniya.

Sa kabila nito, nanindigan ang pamahalaang lungsod na hindi muna magpatupad ng suspensyon ng klase dahil nakabatay ang naturang desisyon sa aktuwal na lagay ng panahon, mga opisyal na ulat ng mga kinauukulang ahensya, at umiiral na mga panuntunan sa pagsuspinde ng klase.

--Ads--

Binigyang-diin din ng alkalde na ang kapakanan at kaligtasan ng mga mag-aaral ang pangunahing isinasaalang-alang ng lokal na pamahalaan sa bawat pagpapasya, at hinikayat ang publiko na panatilihin ang paggalang at maayos na pakikipag-usap sa kabila ng magkakaibang pananaw.