CAUAYAN CITY- Kinondena ng City Government of Cauayan ang kumalat na video sa social media na nagpapakita sa dalawang SUV na humaharurot sa pambansang lansangan na sakop ng Barangay San Fermin, Cauayan City, Isabela.
Makikita sa posted video sa social media ang isang grey SUV na humahabol sa isa pang sasakyan sa kahabaan ng Barangay San Fermin.
Kasabay nito naglipana na rin ngayon sa social media ang iba’t ibang screenshots ng mga netizens kaugnay sa pagkakakilanlan ng driver na sangkot sa naturang reckless driving.
Una rito naglabas narin ng pahayag ang Land Transportation Office Cauayan kaugnay sa ilang alegasyon ng over speeding ng mga sangkot na sasakyan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Cauayan City LTO Chief Deo Salud, sinabi niya na mahigpit nilang babantayan ngayon ang ilang impormasyon kaugnay sa mga umano’y nagkakarerahang sasakyan.
Babala niya na may batas kaugnay sa speed limit ng mga sasakyan na maaaring bumagtas sa Pambansang lansangan.