--Ads--

Naging minimal lamang ang epekto ng Bagyong Maymay sa bayan ng Palanan, Isabela matapos hindi ito magdulot ng matinding pag-ulan at pagbaha habang nanatiling nasa normal na lebel ang mga ilog sa lugar.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Glenn Cabaldo, MDRRM Officer ng Palanan, Isabela, sinabi niyang bago pa man dumating ang bagyo ay nagsagawa na sila ng pre-disaster risk assessment kasama ang mga miyembro ng konseho upang mapaghandaan ang posibleng epekto nito.

Ayon kay Cabaldo, mahihinang pag-ulan lamang ang naranasan sa bayan sa kasagsagan ng bagyo at nanatiling normal ang lebel ng mga ilog kabilang ang Pinacanauan River.

Gayunman, umabot sa moderate to rough ang kondisyon ng karagatan kaya ipinatupad ang no swimming policy, pagbabawal sa paglalayag ng mga sasakyang pandagat at liquor ban bilang bahagi ng mga hakbang sa kaligtasan ng publiko.

--Ads--

Sinabi pa niya na nagbigay ang lokal na pamahalaan ng ayuda sa mga residenteng naapektuhan ng bagyo, kabilang ang 255 mangingisda mula sa apat na coastal barangay ng Palanan na pansamantalang hindi nakapangisda dahil sa masamang kondisyon ng dagat.

Aniya, nakagawian na ng LGU na magkaloob ng tulong sa mga mangingisda tuwing may bagyo dahil nawawalan sila ng kabuhayan habang hindi makapalaot sa dagat.