--Ads--

Patuloy na humihina ang Tropical Depression Maymay habang kumikilos pahilagang-silangan sa karagatang silangan ng Gitnang Luzon, ayon sa pinakahuling bulletin ng PAGASA alas-11:00 kagabi.

Huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 290 kilometro silangan ng Casiguran, Aurora, taglay ang lakas ng hanging 45 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong umaabot sa 55 kilometro kada oras. Kumikilos ito pa-east southeastward sa bilis na 35 kilometro kada oras.

Sa kasalukuyan, wala nang nakataas na Tropical Cyclone Wind Signal sa anumang bahagi ng bansa.

Gayunman, inaasahan pa rin ang malalakas hanggang gale-force na bugso ng hangin sa malaking bahagi ng bansa hanggang Sabado dahil sa pinagsamang epekto ng Habagat at ng sirkulasyon ng bagyo.

--Ads--

Nagbabala rin ang PAGASA sa mga marino dahil sa maalon hanggang napakaalon na karagatan, partikular sa Batanes, Babuyan Islands, hilagang-silangang bahagi ng Cagayan, Isabela, Aurora, at ilang bahagi ng Bicol Region at silangang Visayas.

May umiiral ding Gale Warning sa mga baybaying-dagat ng Extreme Northern Luzon.

Ayon sa forecast ng PAGASA, inaasahang patuloy pang hihina ang Maymay at maaaring maging remnant low ngayong Biyernes. Posible rin itong tuluyang magsanib sa mas malawak na sirkulasyon ng Tropical Cyclone Dolphin habang kumikilos pasilangan.

Pinapayuhan ang publiko at mga lokal na pamahalaan na manatiling alerto at sumunod sa mga abiso ng mga awtoridad lalo na sa mga lugar na maaaring makaranas ng malalakas na pag-ulan, hangin at pagtaas ng alon.