--Ads--

Tututukan ng Senate Blue Ribbon Committee ang mga umano’y substandard at palpak na public works projects ng pamahalaan kasunod ng mga ulat ng mga imprastrakturang madaling masira matapos ang malalakas na pag-ulan at mga bagyo.

Ayon kay Senate Blue Ribbon Committee Chairman Erwin Tulfo, bahagi ito ng mas malawak na imbestigasyon ng komite sa mga alegasyon ng katiwalian sa iba’t ibang proyekto ng gobyerno.

Sinabi ni Tulfo na bukod sa mga bagong impormasyong may kaugnayan sa mga flood control project, isa-isang susuriin ng komite ang mga tulay, kalsada at iba pang pampublikong pasilidad na pinondohan ng pamahalaan upang matukoy kung sumusunod ang mga ito sa itinakdang pamantayan.

Giit ng senador, maaaring indikasyon ng korapsyon ang mga proyektong hindi natatapos sa oras o kaya naman ay hindi maayos ang pagkakagawa sa kabila ng pondong inilaan para rito.

--Ads--

Kaugnay nito, nakikipag-ugnayan na umano ang komite sa Department of Public Works and Highways (DPWH) at iba pang kaukulang ahensya para sa pagkalap ng mga dokumento at ebidensya na may kaugnayan sa imbestigasyon.

Kabilang sa mga unang bibigyang-pansin ng komite ang pagguho ng retaining wall sa EDSA-Ayala northbound sa Makati City na nagdulot ng matinding pagsisikip ng trapiko matapos ang magkakasunod na bagyo.

Ipinunto rin ni Tulfo ang naging pahayag ni DPWH Secretary Vince Dizon na kumondena sa insidente matapos lumabas sa paunang ulat na hardiflex umano ang ginamit sa bahagi ng gumuhong istruktura sa halip na mas matibay na materyales.

Samantala, nilinaw ng senador na hindi lamang mga flood control project ang sasailalim sa pagsusuri dahil nakatakda ring imbestigahan ng Blue Ribbon Committee ang iba pang usapin ng umano’y korapsyon sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan.

Tiniyak ni Tulfo na magiging masusi ang pagkalap ng ebidensya at isasagawa ang lahat ng pagdinig at imbestigasyon alinsunod sa mga panuntunan ng Senado at umiiral na mga batas ng bansa.