Nabigo ang Philippine Men’s National Football Team na makausad sa knockout stage ng 2026 ASEAN Championship matapos matalo sa Malaysia, 1-0, sa kanilang huling laban sa Group B nitong Sabado sa Kuala Lumpur.
Kinailangan ng Pilipinas ang malaking panalo laban sa Malaysia upang mapanatili ang pag-asang makapasok sa semifinals, ngunit maagang nabutas ang kanilang depensa nang makaiskor si Pavithran Gunalan sa ika-16 minuto ng laro.
Mula sa krus ni Wan Kuzain, naipasok ni Pavithran ang isang header na hindi na nasalo ng goalkeeper na si Patrick Deyto para sa nag-iisang goal ng laban.
Nagkaroon pa ng ilang pagkakataon ang Pilipinas upang makabawi, kabilang ang muntik na header ni Javi Gayoso at isang malakas na tira ni Javier Mariona na nasalo ng Malaysian goalkeeper na si Azri Ghani, ngunit hindi ito naging sapat upang maitabla ang laban.
Dahil sa pagkatalo, nagtapos ang Pilipinas sa ikaapat na puwesto sa Group B na may tatlong puntos mula sa nag-iisang panalo laban sa Laos. Samantala, umabante sa semifinals ang Thailand at Malaysia bilang nangungunang koponan sa kanilang grupo.











