Iginiit ng House prosecution panel na nakapagpapabagal sa takbo ng impeachment trial ang hindi pagpayag ng kampo ni Vice President Sara Duterte na i-stipulate o kilalanin ang mga dokumentong may kaugnayan sa umano’y maling paggamit ng ₱612.5 milyong confidential funds.
Ayon kay House Prosecution Legal Spokesperson Atty. Benjamin “Jay” Tolosa Jr., tumanggi ang depensa na i-stipulate ang libu-libong dokumento na bahagi ng financial at liquidation records, kabilang ang mga acknowledgment receipt mula sa Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd).
Sinabi ni Tolosa na sinadya man o hindi, nakaaapekto ang naturang hakbang sa mas mabilis na pag-usad ng paglilitis laban kay Duterte.
Samantala, ikinagulat ni Lead Prosecutor at Representative Gerville Luistro ang pagtanggi ng depensa na kilalanin ang mga dokumento gayong kapareho lamang umano ang mga ito ng mga dokumentong hawak ng prosecution.
Para naman kay Private Prosecutor Atty. Amando Virgil Ligutan, hindi pangkaraniwan ang paliwanag ng depensa na maaaring magkaiba ang mga dokumentong iniharap ng mga auditor ng Commission on Audit (COA) sa impeachment court.
Binigyang-diin ni Ligutan na ang mga dokumentong hawak ng COA ay siya ring mga rekord na isinumite mismo ng OVP at DepEd sa komisyon.











